natututuwa talaga ako sa blog na ito. wala kasi masyado nakaaalam na meron pala akong blogspot. palibhasa, ang pinangangalandakan ko parati ay ang livejournal ko. ok lang naman sa akin na walang comments sa blog na ito, kasi hindi naman dapat kalat na kalat sa sangkatauhan na andito nga ito.
pakshet. paano ko ba sisimulan 'to?
gaya ng karamihan ng tema ng mga nakasulat sa blog na ito, pag-ibig nanaman ang gusto kong i-discuss. hindi ko alam kung kung bakit tuwing naiisipan kong magsulat dito, naka-love mode ako. marahil, nakasanayan ko lang na pang love mode ito. nagsimula naman ang blog na ito dahil na-in love ako sa isang taong hindi ako pinahalagahan. kung mababasa niya ito (at may hinala akong mababasa niya ito dahil bukod sa may pagka-stalker siya ay isa siya sa tatlong taong alam na narito ang blog na ito) malamang sa malamang ay mag-protesta siya. sasabihin niya sa akin na mali ako, na nagkaroon naman ako ng halaga sa kanya at kung anu-ano pang chorva. pero kahit ano pa ang sabihin niya, may dalawang tumataginting na katotohanang hindi niya mapagkakaila. una, kahit kailan hindi niya ako minahal. pangalawa, naging napakadali para sa kanya na iwan ako. ay, may pangatlo pa pala. pangatlo, nasaktan ako ng todo ng tarantadong yun. kung iniisip mo na bitter pa ako sa mga nangyari noon, hindi naman. pero hindi ko mapagkakaila na paminsan-minsan (tulad ngayon), naiisip ko siya. pag naiisip ko siya, may dalawang bagay na maaring mangyari. una, may isang pamilyar, malamig at maliit na saksak na tumatagos sa puso ko. natitigilan ako kapag nangyayari yun. pangalawa, napapakunot ako ng noo sabay mura. hindi ko maintindihan kung bakit kahit na 2008 na ay may epekto pa sa akin ang mga bagay na nangyari noong 2005. siguro mahirap lang talaga makabangon kapag tinabunan ka ng kumunoy. aaminin ko, naiisip ko pa rin kung ano pa kaya ang nangyari kung nag-iba ang tingin niya sa akin o kaya naman kung hindi ko nakilala ang karelasyon ko ngayon. hindi naman sa mahal ko pa rin ang taong yun (tawagin natin siyang Asiong, inaksaya kasi niya ang pag-ibig ko....hayup!). hindi naman dahil may tunay akong panghihinayang sa pinakawalan ko. hindi yun eh. siguro, namimiss ko lang talaga siya. iba din talaga kasi ang samahan namin. palagay ko, kahit na nangungulila ako kay Asiong ngayong gabi hindi ibig sabihin noon na pag-gising ko bukas, proproblemahin ko pa siya. palagay ko, para ngayong gabi lang talaga ang pakiramdam ko.
kaya eto...
~*~
Mahal kong Asiong,
Kamusta ka na nga ba talaga? Marami akong nababasang pira-piraso tungkol sa iyo kung minsan kung dumadaan ako sa blog mo. Pilit kong ipinagkakabit-kabit ang mga pira-pirasong iyon para naman magkaroon ako ng ideya kung kamusta ka na nga ba talaga. Pero gaya ng maraming bagay na sinubukan kong kasama ka, hindi ako gaano nagtatagumpay. Hindi ko talaga alam kung kamusta ka na nga ba talaga, kung masaya ka ba o kung kinakaya mo pa ang mga palo ng buhay sa iyo. Pero gaya ng nakasanayan ko na, pilit kong sinusubukang humiling ng walang hanggang biyaya para sa iyo. Sinasabi ko rito na pilit kong sinusubukan dahil hanggang ngayon, hindi ko pa rin talaga maaring sabihin na talagang napatawad na kita. Pasensya ka na ha? Alam ko, inaasahan mong nakalimutan ko na ang usaping ito. Sa isang banda, nakalimutan na nga ito ng isip ko sa maraming paraan. Pero ang puso, madalas ay nahihirapang makalimot at magpatawad. Tuwing may nakikita akong gitara o pag nadadaan ako ng Tomas Morato o kaya naman kapag nanonood ako ng sine sa Gateway, hindi ko talaga mapigilan. May kumikirot pa rin sa aking puso. Ayaw ko naman talaga mangyari yun, pero parati talagang nangyayari. Hindi kita gusto guluhin, kaya nga dito na lang ako nagsusulat. Nais ko lang talaga maglabas ng sama ng loob. Alam mo, masakit talaga yung ginawa mo. Marami kang nagawa't nasabi pero sa madaling salita, ginamit mo lang talaga ako. Inabuso mo lang ang pagmamahal ko sa iyo. Wala na rin naman akong magagawa, pero gusto kong malaman mo ito. Kahit halos tatlong taon na ang nakalipas, kahit na nakahanap na ako ng magmamahal sa akin; putang ina mo hindi pa rin kita napapatawad talaga. Ngayon ko lang inamin sa sarili ko ito talaga dahil pilit kong ipinapakita sa mundo na mabait ako at mapagpatawad. Pero mahirap maging mabait kapag katulad mong tarandato ang pinag-uusapan. Pasensya ka na't hanggang ngayon may kinikimkim pa rin akong galit sa iyo. Marahil, kapag nabasa mo ito magugulat ka't magagalit rin sa akin. Sa usaping iyon, wala akong pakialam. May sarili ka namang blog, dun ka magngingit sa galit. Pero alam mo, kahit galit ako sa iyo, hinahanap-hanap din kitang gago ka. Hindi ko alam kung bakit. Matagal ka nang wala sa buhay ko. Pero dahil pakalat-kalat pa rin ako sa mga lugar kung saan tayo naglalagi noon, naalala kita parati. Baka ganoon lang talaga. Kailangan ko lang ng "change of scenery" ika nga ng iba. Kahit na nangungulila ako sa iyo, ayaw ko namang imbitahin kang bumalik sa buhay ko. Ito ay isang masakit na kabalintunaan. Ayaw ko nang bumalik ka pa sa buhay ko dahil wala akong tiwala sa iyo. Alam kong sasaktan mo lang ako ulit. Sana balang araw, maintindihan mo ito: may mga bagay na kapag nasira mo na, hindi mo na maayos at hindi mo na maaring palitan. Wala ka nang magagawa upang maibalik ang mga bagay na pinakawalan mo. Tulad ko, wala ka nang magagawa para bumalik pa ako sa iyo. Hindi lang dahil ayoko na, pero dahil alam kong hindi ko na kaya.
Asiong, sana maging tunay kang masaya. Masaya rin naman ako at alam kong mas magiging masaya ako kapag tuluyan ko nang nalimutan ang kawalanghiyaang ginawa mo sa akin.
~*~
Miyerkules, Enero 16
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)