ang kaharap ngayon.
Nalilitong diwa,
Iba't-ibang bersyon.
Gunaw daw ang kasunod.
Delubyo.
Baha.
Pagyanig.
Apoy.
Linlangin ang pangamba,
basagin ang takot.
-Transisyon, Reynaldo F. Tamayo
malupit ang tadahana. malupit din ako sa sarili ko. naniwala ako na tama ang mga senysales, na tama ang kutob ko. sinabi ko sa iyo na hindi na tayo kailanman dapat mag-usap. hindi ako nagbigay ng kahit ano pang dahilan, kahit ano pang paliwanag. basta, sinabi ko na lang na hindi na tayo dapat mag-usap.
may dahilan ako. marami akong dahilan.
akala ko kasi, kakayanin ko mag-isa. kaya kong masaktan mag-isa, kayang kong malasing mag-isa, kaya kong pasanin ang mundo mag-isa. kaya ko lahat mag-isa. pero tinitignan ko ang sarili ko ngayon, mali ako.
palagay ko rin kagabi, mas mabuti nang ganito. tutal, wala naman talagang mawawala sa iyo. ang problema nga lang, lahat nawala sa akin. kalunos-lunos ang takbo ng agos ng buhay ko. sinubukan kong pigilan, lagyan ng piring ang aking mga mata. ngunit hindi ito sapat upang huwag nang matuloy ang delubyong dumating.
naniwala ako na kailangan mo ng isang taong hindi na magdadala sa iyo ng sakit. isang taong mamahalin ka lang. isang taong hindi komplikado (at hindi ako iyon). isang taong gumagamit ng utak. ako kasi, puso ko lang ginagamit ko. at tignan mo ang nangyari? nasaktan lang kita.
duwag ako.
duwag na duwag. natakot akong saktan ka pa nang labis. natakot akong mahalin ka pa nang labis. matapos ang lahat nang sinabi nila sa akin, naiintindihan na kita. hindi ko sinabi sa iyo na hindi lang ako sa iyo tumatakbo. hindi ko sinabi sa iyo, na pag masakit na talaga..nagwawala ako sa piling nila. hindi ko rin sinabi sa iyo na ikaw talaga ang kailangan ko noong mga panahong iyon pero hindi naman maari na parati kang andyan sa tabi ko.
tulad ngayon.
tulog na tulog ka. pagod na pagod sa maraming bagay. marahil, pagod ka na rin sa akin. sa aking mga problema, sa akin mga galit, sa aking mga kakatwang mga dinadala. hindi kita masisisi. dahil sinubukan mo naman makinig. sinubukan mo naman akong intindihin. subalit napakahirap kong intindihin. malimit, hindi ko rin maintindihan ang aking sarili.
tanga ako.
tanga ako kasi sinubukan kong mahalin ka. inisip ko na hindi titigil ang pagmamahal. na iingatan ako nito. na magiging kanlungan ko ito. inisip ko na magiging kalatas ko ito laban sa anumang sakit na maaring dumating.
tanga ako kasi naging kampante ako. hindi ako nag-ingat. naging palagay ako na hindi ka mawawala. na hindi mo ako pakakawalan. na hindi ka titigil sa paglalakad kasama ko. lihis na ang mga landas natin ngayon. at natatakot akong lumiko umpang makita kang muli.
ano ngayon?
ayoko na sabihin na wala kang pakialam sa akin dahil alam ko naman na hindi totoo iyon. sa ganang akin, kung ang pakialam na iyon ay nagdadala sa iyo ng suliranin, hagupit at kung anu-ano pa, mas gugustuhin kong wala na lang.
dahil mahal na mahal kita at ayokong nahihirapan ka. mas gugustuhin kong lumayo at mapag-isa habang buhay kaysa nariyan ka sa tabi ko't nasasaktan. hindi ako nag-sisisi na minahal kita. datapwa't walang nasasayang sa pagmamahal. naniniwala ako diyan. kaya patuloy pa rin kitang mamahalin. hindi lang dahil gusto ko, ngunit dahil wala akong ibang alam gawin.
"Hindi Mahalaga"
hindi mahalaga
ano man ang nangyari
ang mahalaga ay
nagkatagpo tayo
hindi mahalaga
kung lumisan ka
ang mahalaga ay
pinilit kitang manatili
hindi mahalaga
kung doon ka tumingin
ang mahalaga ay
sinubukan kong
mapalingon ka
hindi mahalaga
kung gusto mong pumikit
ang mahalaga ay
niyaya kitang dumilat
hindi mahalaga
kung naisip mong
ako ay kalimutan
ang mahalaga ay
naalala kita
hindi mahalaga
kung nawala ka
ang mahalaga ay
narito pa rin ako
para sa akin
narito pa rin tayo
ni: Reynaldo F. Tamayo (1994-1997)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento