Miyerkules, Mayo 18

lastiko

pakiramdam ko, naghahabol ako ng hangin. paikot-ikot lang ako sa isang malaking palayan...paikot-ikot sa mga gusali sa siyudad. basta, paikot-ikot lang. hindi na ako sigurado sa sarili ko. kanina, masaya naman ako. pero ngayon, tila isang halimaw ang kumitil sa mga nalalabi ko pang lakas, sa nalalabi ko pang tuwa.

ikaw ang halimaw.

alam ko iyon. pero may mga halimaw naman na napagkakatiwalaan. palagay ko, alam ko na kung bakit halos walang nakaiintindi sa uri ng relasyon natin. kasi tayo mismo sa mga sarili natin, hindi natin ito naiintindihan.

galit ako sa iyo. hindi dahil may mga bagay na pinili mong ilayo sa mga mata ko. hindi dahil may mga bulong na hindi nakarating sa mga tenga ko. galit ako sa iyo dahil napakabilis lang para sa iyo na isawalangtabi ang kahit anong bagay. kahit nasambit mo na noon na mahalaga ang bagay na iyon sa iyo, napakabilis mong bumitaw. napakatulin mong maglakbay. noon ko pa alam yan, na hindi kita talaga masasabayan. ngunit ngayon ko lang talaga naramdaman ang pagiging matulin mo. marahil ay ganoon talaga. mayroong mga taong nangunguna't mabilis na nakaaalis at mayroon naman naiiwang nakatayo habang nanonood.

manonood na lang ako.

sabi ko sa iyo kanina. pakiramdam ko, isa akong lastiko at ikaw isang batang sinusubukan ang lakas ng lastiko. susubukan ito ng bata hanggang bumigay ang lastiko. walang magagawa ang lastiko. nasa kamay siya ng yaong bata. walang kapangyarihan, wala kahit anupaman. naroon lamang siya, sa kamay ng batang iyon. nag-aantay ng huling paghila hanggang sa kumawala.

napakarami ko nang nasabi sa iyo. napakarami nang oras ang iginugol ko para malaman mong hindi ka kailanman nag-iisa. ngunit may mga bagay na sadyang may kapalarang masayang. tulad ng mga patid na lastikong itinatapon ng mga bata sa daan sa ilalim ng init ng araw.

Walang komento: